MCDC Trade Fair, binuksan na sa Atimonan, Quezon
Iba’t ibang dekalidad at ipinagmamalaking produkto ng mga kooperatiba ang tampok sa bagong bukas na Municipal Cooperative Development Council (MCDC) Trade Fair sa Atimonan, Quezon.
Pormal na pinasinayaan ang trade fair nitong Lunes bilang bahagi ng selebrasyon ng National Cooperative Month ngayong buwan ng Oktubre.
May tema ang pagdiriwang ngayong taon na “KooPinas: Nagkakaisang Lakas para sa Makabuluhan at Sama-samang Pag-unlad!”
Kabilang sa sari-saring produkto na makikita sa MCDC Trade Fair ay daing na bangus, mga uniform, t-shirt, gulay, prutas, kakanin at iba pa.
Ayon sa local government, patuloy ang kanilang suporta sa ganitong gawain para sa sektor ng kooperatiba na maaasahang katuwang sa pagpapalago ng ekonomiya.
Bukas at maaaring bisitahin ang trade fair mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa harap ng bagong munisipyo ng Atimonan at magtatagal hanggang ngayong Biyernes, October 21.