News

Mga alkalde ng LGU pwedeng magsuspinde ng barangay officials

Maaaring isuspinde ng alkalde ng Local Government Unit o LGU ang isang barangay official kung may reklamo sa mga ito. Ito ang pahayag ni Lucena DILG Chief Rey Caceres sa Bandilyo TV. Sinabi pa nito na preventive suspension ang maaaring ipataw o gamitin ng mga mayors kung mayroong pag-i-imbestiga sa isang opisyal ng barangay. Nilinaw pa ng opisyal ng DILG na bago isuspinde ay kailangang mayroon munang reklamo sa Sangguniang Bayan o Lungsod o sa Ombudsman ang opisyales ng barangay.

Nilinaw naman ni Caceres na walang forum shopping kung ang reklamo ay isampa ng sabay sa Sanggunian o sa Ombudsman. Ang forum shopping ayon sa depinisiyon ay ang pagsasampa ng reklamo o kaso sa iba’t ibang korte upang madetermina ng mga nagreklamo kung aling korte ang magbibigay ng pinaka paborableng resulta sa kaso. Pero binanggit din ni Caceres na kung parehong may kaso sa Ombudsman at Sanggunian ay kung sino ang mauna sa dalawa ay ito muna ang tatapusing pag-dinig.

Samantala may opinyon naman na bago suspendihin ng alkalde ang isang barangay official ay magkakaroon muna ito ng rekomendasyon mula sa Sangguniang Bayan o Lungsod.

May kaugnayan pa rin ito sa kasalukuyang problema ng mga opisyales ng Barangay 8 sa Lungsod ng Lucena tungkol sa nawawala nitong pondo. Sa mga naunang Bandilyo ay sinabi ni Kapitan Mandy Suarez na umamin na ang kanilang Brgy. Treasurer na si Joyce Ramos na siya ang may kagagawan ng pagkawala ng pera pero binawi ito sa ikalawang affidavit ni Ramos at idinawit din ang kapitan na kasabwat umano sa pagkawala ng pera ng barangay. Itinanggi naman ito ni Suarez at sinabing pineke ang kanyang pirma sa mga tseke ng barangay.

Pin It on Pinterest