Mga bagong opisyal SPTA ng West 1 Elementary School, nanumpa na sa tungkulin
Opisyal nang ibinigay ng mga outgoing officer ng School Parents and Teachers Association (SPTA) ng West 1 Elementary School ang symbolic key sa mga bagong uupong mga opisyal ng SPTA ng nasabing paaralan para sa taong 2022-2023.
Simbolo ito ng pagpapasa ng mga tungkulin at responsibilidad sa bagong opisyal ng naturang asosasyon na silang makakaagapay ng mga guro sa pagpapabuti ng edukasyon ng mga batang mag-aaral ng pinakamalaking pampublikong elementarya sa Lungsod ng Lucena.
Ang SPTA Induction Ceremony ay ginanap gabi ng December 9 sa Punzalan Gym sa Brgy. 5, Lucena City. Saksi ang mga magulang na opisyal ng bawat klase at SPTA official, sa harap nila, pinangunahan ni Lucena City Councilor Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr., Committee Chairperson ng Education ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena, ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opisyal.
Sa mensahe ni Coun. Pedro, sinabi nitong higit na mapapabuti ang edukasyon ng mga kabataang Lucenahin kung ang lahat ay nagkakaisa, nagsasama-sama sa pagtataguyod sa isang mabuting adhikain para sa mga kabataang mag-aaral at ang lokal na pamahalan daw ay laging handang makipagtulungan at umagapay.
Sabi naman ni Mrs. Rowena Adormeo, ang Principal II ng naturang paaralan, ang seremonya ng pagpapasa ng mga tungkulin sa mga bagong pinuno ng asosasyon ay mahalagang bagay na taon-taon na isinasagawa.
“Para maging official ‘yung kanilang pagiging officer, ma-recognize ‘yung role nila sa paaralan bilang partner ng Lucena West 1 sa pagbibigay ng pinakamabuti sa aming paaralan para sa welfare ng mga bata,” ani Adormeo.
Magsisilbi bilang pangulo ng SPTA ng West 1 Elementary School si Ginoong Alfredo Delos Reyes. Hangad daw nila na pagbukludin ang samahan ng mga magulang ng kanilang paaralan, magiging bukas daw sila sa anumang suhesyon para sa ikagaganda ng asosasyon at higit na ikabubuti ng mga batang mag-aaral.
“Pagbubukludin namin ang lahat ng samahan ng magulang sa layunin na mapabuti ang edukasyon ng mga bata sa West 1,” saad ni Delos Reyes.
Ang nasabing aktibidad ay nagsilbi ring get together ng kanilang asosasyon, isang gabing kasiyahan, nagkaroon ng dance contest at logo making contest, may mga paraffle din, ilang opisyal din ng Lucena LGU ang dumalo sa programa.