Mga bagong pasilidad ng Gen. Juan Cailles Memorial District Hospital sa bayan ng Pakil pinasinayaan
Pinasinayaan ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang bagong Administrative Building at Out Patient Department Building ng Juan Cailles Memorial District Hospital sa bayan ng Pakil. Kasabay din nito ang pagpapasinaya ng bagong MRF o Materials Recovery Facility ng ospital. Dinaluhan ang okasyon ni Gov. Ramil Hernandez, mga kawani ng Juan Cailles Memorial District Hospital at iba pang lokal na opisyal ng Lalawigan ng Laguna. Ayon sa pamahalaang panlalawigan ang pondong ginamit para sa OPD at Administration Building ay mula sa Department of Health samantalang ang Materials Recovery Facility naman ay sa provincial government nagmula ang pondo. Ayon naman kay Gov. Hernandez ay matagal nang hiling at pangarap ng mga taga-Pakil ang mga pinasinayaang proyekto.
Ang Gen. Juan Cailles Memorial District Hospital ay ipinangalan sa isang naging Gobernador ng Laguna at rebolusyunaryong mestiso na si Juan Kauppama Cailles. Isinilang sa Lalawigan ng Batangas at nagturo sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ng Cavite. Nakiisa sa pakikipaglaban sa mga kastila si Cailles at naging commanding officer ng Philippine Revolutionary Army sa Philippine American War. Si Cailles ay may lahing Filipino French Indian. Isinilang noong November 10, 1871 at namatay noong June 28, 1951.