Mga basurang nakolekta sa Lucena ibinabalik sa mga magsasaka bilang pataba
Hindi lang basta basta kinokolekta ang mga basura, ito ay ginagawa rin na pataba upang mapakinabangan ng iba. Ito ang pahayag ni Alyssa Marie Mijarez, Lucena City General Services Officer sa Usapang Tapat ni Manong Nick.
Ayon kay Mijarez, matapos nilang kolektahin ang mga basurang nabubulok ito ay dumirediretso sa MRF ng sanitary landfill kung saan nakaabang dito ang kanilang kagamitan. “Yung biodegradable waste natin yung mga nabubulok po pag nakolekta natin from the community, dadalhin po natin sa MRF ng sanitary landfill nakaabang po yung mga equipment natin.”
Dagdag pa ni Mijarez, inilalagay lang nila ang mga biodegradable waste sa composter upang maging pataba at pwede na rin agad maibalik sa komunidad. “Kapag po ipinasok natin ang biodegradable waste, hahaluan po natin ito ng lupa pagkalabas po ng mga na-shred natin pwede na po natin itong gawing pataba or garden soil at ito po ay pwede nating maibalik sa community”
Aniya, mabilis ang proseso sa paggawa nila ng pataba at naipapamahagi rin agad ito sa komunidad. Sinabi rin Mijarez, libre nila itong ibinibigay sa mga magsasaka na makakabawas sa gastusin ng mga ito. “‘Yung output po doon sa composter ibibigay po namin sa farmers kasi kailangan pong bumalik sa sirkulasyon dahil sa pamamagitan po noon yung mga farmers po natin hindi na mahihirapan at gagas pa na bumili ng composter at additional pata sa lupa na kinakailangan.”