Mga bilog na prutas, nagmahal na ilang araw bago ang Bagong Taon
Ilang araw bago mag-Bagong Taon, maraming mga bilog na prutas ang tumaas ang presyo.
Nakaugalian na ng maraming Pinoy ang pagbili at paghahain ng mga bilog na prutas sa pagsalubong ng Bagong Taon dahil pinaniniwalaang suwerte ang mga ito.
Ayon sa tindera ng prutas na si Carmen, asahan na raw ng mga mamimili na tataas ang presyo ng prutas bago sumapit ang Bagong Taon.
“Oo, tataas talaga ‘yan kasi nagsisimula na ng pagtaas ng prutas, tataas kaunti lang ‘pag mga local pero ang imported talagang mataas,” sabi ni Carmen.
Ayon pa sa ilang tindera ng prutas sa Pamilihang Panlungsod ng Lucena, nagsimulang tumaas ng presyo ng prutas bago mag-Pasko at magmamahal pa raw ito ngayong Bagong Taon.
“Halos lahat tumataas na, tataas pa ‘yan, lahat ng klase ng imported,” saad ni Chona.
“As usual ‘yan po ay palagi pong may pagbabago ng presyo hanggang sa papalapit po ang Bagong Taon pero asahan na po talaga ang pagtaas ng presyo,” sabi ni Mary Ann Landicho.
Payo ng ilang tindera ng prutas sa publiko na mamili na ng mas maagap para makatipid sila kahit papaano.