Mga Deepwell sa Brgy. Domoit, Napapakinabangan na Dahil Kay Mayor Alcala
Labis na nagpapasalamat ang Sangguniang Barangay ng Barangay Domoit sa pangunguna ni Kapitan Ruel Trinidad kay Mayor Roderick “Dondon” Alcala.
Ito’y dahil sa mabilis na pagtugon sa kahilingan ng sangguniang barangay at magkaloob ng ilang mga materyales si Mayor Alcala para sa pagsasaayos ng mga deepwell sa 5 Purok ng nasabing barangay.
“Kami po at ang aking mga kabarangay ay lubos na nagpapasalamat sa aming butihing Mayor Roderick Dondon Alcala sa tulong na pagre-repair ng mga deepwell dito sa 5 Purok sa Brgy. Domoit,” ani Kap. Trinidad.
Ayon kay Trinidad, nasa 10 deepwell ang isinaayos sa kanilang lugar na ngayon ay napapakinabangan na ng mga residente.
“Bale 10-unit ng deepwell sa 5 Purok at ito ay puro repair lang naman ang hinihiling, ngayon doon sa 10 deepwell na ‘yon lahat naman ay inaayos na at lahat ay gumagana na,” sabi ni Kap. Trinidad.
Binanggit ng Punong Barangay kung gaano kahalaga sa kanilang nasasakupan ang tubig. Kaya malaking tulong daw ang pagsasaayos ng mga deepwell.
“Dahil nga ‘yung dalawang Purok ko dito ay hindi pa napapasok ng Primewater Quezon Metro ang Purok Ilang-Ilang ay mayroon ‘yang 5 deepwell na puro sira kaya sila muna ang inuna namin, tapos nung maayos ang nasa Ilang-Ilang sinunod natin ang Purok Jasmin kasi isa din ‘yon sa hindi mapasok ng Primewater, ang kasunod nun ay ang Dama de Noche, Sampaguita tsaka Rosas,” saad ni Kap. Trinidad. Umaasa si Trinidad na sa mga susunod na panahon ay magkaroon na ng koneksyon ng tubig ang lahat ng Purok sa Barangay Domoit mula sa Primewater Quezon Metro.