Mga ibon na ilegal na ibinebenta online sa Agdangan, Quezon, nasagip!
Na-rescue ng Quezon Maritime Police sa isang lalaki ang apat na piraso ng Philippine Bulbul at 2 pirasong Kuling Panot, mga uri ng ibon na ilegal sanang ibebenta sa bayan ng Agdangan, Quezon.
Ayon kay PMaj. Francisco Gunio, ang Chief Officer ng Quezon Maritime PNP, sinubakan umanong ibenta online ng isang suspek ang mga ibon na walang kaukulang permiso at dokumento pero nasabat ito sa ginawang nilang buy-bust operation dahilan upang masagip ang mga ibon.
Bago pa isagawa ang operasyon laban sa suspek na kinilalang si Gerald Zulueta, isang online transaction ang naganap kaugnay sa bentahan at nang magkasundo sa presyong P150 kada piraso ng ibon na tinatawag na Bulbul at P700 naman kada piraso ng ibon na tinatawag na Kuling Panot, dito na ikinasa ang buy-bust sa Barangay Poblacion 2, Agdangan, Quezon ang lugar na napagkasuduan ng bentahan.
Huli ang suspek laban sa illegal trading of wildlife nang walang maipakitang permit kaugnay sa transaksyon.
Ang mga nasagip na ibon ay dinala ng Quezon Maritime sa malapit na DENR Office para sa tamang disposisyon.
Kasong paglabag sa Sec. 27 at RA. 9147 o Illegal Trading of Wildlife ang kakaharapin ng suspek.
Depensa ng suspek na tumanggi ng magpa-interview, nagawa lamang daw niya ang illegal trading ng wildlife dahil wala siyang trabaho sa ngayon. Ang uri ng transaction online sa bentahan ng wildlife ay unang beses pa lang daw niya ginawa matapos makita sa isang social media platform. Nagsisisi ang suspek sa kanyang nagawa.
Samantala, ilang beses na nakapag-rescue ang Quezon Maritime ng mga wild life na ilegal na ibinebenta online.
Sinabi ni Maj. Gunio, bunga ito ng pagpapalakas nila ng kampaya sa lalawigan ng Quezon laban sa illegal trading of wildlife.