Mga iligal na pinutol na kahoy nasabat ng DENR CENRO sa Quezon
Mahigit dalawang libong board feet na iligal na pinutol na kahoy ang nahuli ng DENR CENRO sa bayan ng Real sa Lalawigan ng Quezon. 377 na pirasong kahoy na Lauan Tree ang nasabat na nagmula sa bayan ng General Nakar at Infanta. Katapusan naman ng Mayo ay iniulat din ng DENR sa Lalawigan ng Quezon ang narekober na mahigit 250 pirasong Red at White Lauan na inabandona sa Brgy. Minahan Norte bayan ng General Nakar. Tinatayang 1,754 board feet ang mga narekober na kahoy. Nakarekober din ang mga tauhan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office ang 674 board feet na Amlang at Red Lauan na kahoy na inabandona naman ng mga illegal loggers sa may Agos River na sakop ng Barangay Banugao sa Bayan ng Infanta.
Mula naman noong Enero hanggang Mayo ngayong taon ay may naitalang 59 aprehensyon ng mga iligal na forest products at mga gamit sa mga iligal na gawain sa buong CALABARZON Region. Kinabibilangan ito ng 47, 807 boardfeet na kahoy na nagkakahalaga ng halos dalawang milyong piso. Mga kagamitang aabot sa 2.6 million ang halaga, isang daang libong pisong halaga ng uling at iba’t iba pang produktong mula sa kagubatan na walang kaukulang permiso.
Katuwang naman ng DENR CENRO ang PNP-Provincial Public Safety Company upang mahuli ang mga illegal loggers.