Mga kawani ng General Luna LGU, matatanggap na ang mga insentibo at allowance
Bago magtapos ang taong 2022, may pahabol na magandang balita ang lokal na pamahalaan ng General Luna, Quezon sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Mayor Matt Florido, simula ngayong Martes, December 27, maaari nang matanggap ng mga kawani ng kanilang LGU ang mga insentibo at mga allowances.
Aniya, ang mga regular employees ay makakatanggap ng kabuuang P21,250 kung saan ang P20,000 dito ay para sa service recognition incentive (SRI) at P1,250 naman para sa rice allowance.
Samantala, makakakuha naman ang mga job order employees, contractual, locally funded teacher ng P5,000 na gratuity pay at P1,250 na rice allowance na may kabuuang halaga na P6,250.
Ayon pa kay Florido, batid niya na galing sa kagastusan ang karamihan kaya malaking tulong ito para sa mga government employees.
Nagpasalamat din ang alkalde sa serbisyo ng mga empleyado at aniya sa kabila ng kanilang pagiging 4th class municipality, naisakatuparan ang mga kaloob na ito na dahil sa pagiging masinop sa pondo ng local government.