News

Mga Lucenahin hindi pabor sa pagbabawal ng unlimited rice offer ng mga kainan

Inalmahan ng mga Lucenahin ang panukalang batas ni Senator Cynthia Villar na pagtanggal o pagba-ban ng “unlimited” rice sa iba’t-ibang mga restaurant at fastfood chain sa bansa. Karamihan sa mga umalma ay nagsabing ito lamang ang paraan para sila ay makatipid dahil kahit kaunti ang ulam ay sa kanin na lamang nila ito ibabawi.

Binanggit din ng senador na dapat ay lumipat na sa brown rice para makamit ng bansa ng sapat na suplay ng bigas. Isa rin itong paraan na mabawasan din ang bilang mga nadadapuan ng diabetes at hinikayat din niya ang mga mamamayan na damihan na lamang ang pagkain ng gulay at prutas.

Sa pagtatanong ng Bandilyo News Team sa Lungsod ng Lucena ukol sa panukalang batas ni Senator Villar na pagtanggal ng unlimited rice sa bansa ay karamihan sa mga ito ay nagsasabing dapat na hindi ipagbawal ang unli-rice. Ayon sa isang Lucenahin na hindi na nagpabanggit ng pangalan, ang unli-rice ay makakatulong sa mga taong sapat lang ang budget sa pagkain pero makaka-kain madaming kanin para mabusog. Ayon naman sa isa pa ay kanin ang sadyang pagkain ng mga pinoy kaya tama lang na hayaan ang unlimited rice para makakain ng kanin ng hindi malaki ang babayaran.

Mayroon namang katulad ni Aling Solidad na pabor sa pagbabawal ng unlimited rice dahil may mga nasasayang at nakakapagdulot ng ilang sakit ang masyadong maraming pagkain ng kanin. Ito rin ang sinasabi ni Mang Jess, ang sobrang kanin anya ay makakapagpa-taas ng sugar level sa mga diabetic. Mabilis din anyang makapagpa-taba ang sobrang dami ng kinakain na kanin.

Pin It on Pinterest