Mga magulang, hindi pabor sa paglalagay ng kindergarten classrooms sa ikalawang palapag
Mas panatag ang ilang magulang kung ang kanilang mga batang estudyante ay sa ground floor magkaklase, iwas daw kasi sa disgrasya.
Kaunay ito ng pagpayag ng DepEd na maglagay ng second floor ng silid-aralan para sa mga kindergarten.
“Kahit sila maglaro-laro diyan, hindi po sila mahuhulog, hindi po kagaya sa second floor delikado po ang mga bata,” pahayag ni Maricel.
Ayon naman sa nanay na si Lanie, bagama’t pwede rin daw naman na sa itaas ang silid-aralan ng mga kinder students, pero sana raw hangga’t maaari ay sa ground floor na lamang daw ng mga school building ilagay ang mga classroom ng mga kindergarten students upang maiwasan ang banta ng panganib, lalo at may mga kalikutan ang mga bata. May pag-aalinlangan daw siya kung ang kanyang anak na wala pang pitong taong-gulang ay sa ikalawang palapag na magkaklase.
“Kasi minsan hindi maiiwasan na may natakbo, may nagtutulakan. Hangga’t maaari sana nga po na magagawan ng paraan ay sa baba na lamang mas maganda pa.”
Samatala, pinayagan na ng Department of Education (DepEd) ang paglalagay ng kindergarten classrooms sa ikalawang palapag ng mga paaralan.
Inaprubahan ito ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa kondisyong aakuin ng mga paaralan ang responsibilidad para sa anumang aksidente na maaaring mangyari.
Ayon kay VP Duterte, kailangan malapit ang mga silid-aralan sa mga emergency access points at dapat isama sa lahat ng information material ang lokasyon ng classroom sa ikalawang palapag at ang implikasyon nito sa oras na magkaroon ng emergency.
“Mas maige na lang po sa baba, mas mataas po kasi mas delikado. Dito na lang po sa ganitong first floor mas safe po,” saad naman ni Judy Ann.
Saklaw ng polisiya ang parehong public at private schools.