News

Mga mamimili, pinag-iingat sa mandurukot sa Lucena Public Market

Pinaalalahanan ng pamunuan ng Lucena City Public Market ang mga mamimili na mag doble ingat sa mga kawatan o masasamang loob na nambibiktima sa palengke na naglilipana sa tuwing papalapit ang holiday season.

Bunsod na rin ito ng mga sumbong sa kanilang tanggapan ng mga biktima ng pandurukot.

‘’May mga report na rin dito ng mga nanakawan nakikita namin sa CCTV, unfortunately, ay hindi ma-indentify kasi nga nakatago ‘yung mukha, may face mask tsaka mga ano mga hindi pamilyar ang mukha,’’ sabi ni Noel Palomar ang Market Administrator ng Lucena City Public Market

Upang maiwasan ang mga modus na ganito sa loob ng pamilihan, bukod sa palagiang paalala, nagpakalat na ng mga guwardiya sa iba’t ibang bahagi ng palengke.

‘’Lagi naming paalala dito na mag-ingat sa salisi, mandurukot at budol-budol ganun din ‘yung aming mga security guard binigyan namin sila ng assignment na lagi silang visible sa area,’’ dagdag pa Palomar

Madalas din daw na mag-roving ang mga pulis na naka-duty sa public market. Ang paalala ay hindi lamang sa mga mamimili maging sa mga maninindahan, dahil ang mga kawatan at masasamang loob ay walang pinipiling biktima lalo na raw habang papalapit ang kapaskuhan.

Pin It on Pinterest