News

Mga nakumpiskang maiingay na tambutso ng motorsiklo sa Tayabas City, sinira

Gamit ang backhoe loader, niyupi at sinira ng Tayabas PNP ang maiingay na tambutso ng motosiklo na nakumpiska sa ginawang operasyon laban dito noong December 31 o bago noon magpalit ng taon.

Ayon kay Police Lt. Col Bona Obmerga, alinsunod ito sa LTO Memorandum on Intensified Operation to Enforce the Prohibition on Bora Bora o ‘yung Motorcycles with Modified Mufflers na nagdudulot ng hindi kanais-nais at nakakairitang tunog na lumaganap noong ilang araw bago magpalit ng taong 2023 na inirerelamo ng maraming residente.

“Yun po yung massive na operation pero niyupi po noong January 9, noong Monday, kahapon,” sabi ni Obmerga.

Ang pagsira sa mga nakumpiskang 25 open pipe at modified mufflers ng motorsiklo ay sinaksihan ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at mga kawani sa isang seremonya ng lokal na pamahalaan matapos ang Flag Raising Ceremony sa Parke Rizal noong umaga, January 9, 2023.

Ang operasyon at checkpoints ng mga tauhan ng Tayabas City Police Station sa pamumuno laban sa naturang batas sabi ni Lt.Col. Obmerga ay patuloy raw na gagawin sa lungsod.

“Yes, sir. Continuous po ‘yung ating update. In-announce ko rin po sa flag-raising at inano rin po namin sa FB,” saad ni Obmerga.

Patuloy ang panawagan ng Tayabas PNP, Traffic Operations Section at Lokal na Pamahalaan ng Tayabas na ibalik ang stock o dating tambutso ng mga motor o kaya ay lagyan ng silencer ang mga open pipe mufflers upang makaiwas sa huli, kumpiskasyon at karampatang multa alinsunod sa umiiral na batas.

Pin It on Pinterest