Mga pangitlugan ng pawikan sa Sariaya, sinira ng bagyo
Malaki ang iniwang pinsala ng Bagyong Paeng sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular sa mga lugar na direktang tinamaan nito.
Sa bayan ng Sariaya, Quezon, hindi nakaligtas sa hagupit ng bagyo ang mga pangitlugan ng pawikan na matatagpuan sa tatlong barangay na nasa baybaying-dagat.
Ayon kay Sherwin Rosales, lider ng mga Bantay-Dagat sa bayan, mahigit 600 itlog ng pawikan ang wash-out sa kasagsagan ng bagyong Paeng sa mga Barangay ng Castanas, Guis guis-San Roque at Bignay 2.
Naabot din aniya ng pagtaas ng tubig-dagat ang Fish Landing sa Castañas at maraming kagamitan ang nasira.
Samantala, 3 ding bangka ng mangingisda ang naitalang totally damaged habang 12 ang partially damaged.
Ayon pa kay Rosales, nasira din ng bagyong Paeng ang mga bagong tanim na mga bakawan.
Isa ang bayan ng Sariaya sa direktang nakaramdam ng hagupit ng bagyong Paeng kung saan naitala dito ng PAGASA ang ikalimang-landfall ng bagyo dakong alas 1:40 ng hapon nitong Sabado.