News

Mga Panukalang Magla-Lapse into Law, Didinigin pa rin ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon

Mabusising pinag-aaralan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga panukala na nagmumula sa mga bayan at lungsod sa lalawigan.

Sa panayam kay Vice Governor Anacleto Alcala III, presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, sinabi nito na maging ang mga panukala na mala-lapse into law ay didinigin pa rin sa sanggunian.

Sa ilalim aniya ng local government code, kapag hindi naaksyunan ang mga panukala pagkatapos ng 30 araw ng pagtanggap, ito ay nagla-lapse into law at ikokonsiderang valid.

Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin inaalis ang kapangyarihan ng sangguniang panlalawigan na suriin kung naaayon ang mga ito sa mga umiiral na batas.

“Pero sa atin naman pong pananaliksik, kahit lampas sa araw o nag-lapse into law na therefore valid ay kailangan pa rin na dinigin dahil halimbawa may mga legal pa rin na implikasyon. Halimbawa ang isang ordinansa ay ultra vires o hindi naaayon sa existing laws, sa kabila ng lampas na araw ay hindi pa rin mapapawalan ng kapangyarihan ang SP na aksyunan ang mga bagay na ito.”

Sa nakaraang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, nakikitang dahilan ng ilang bokal kung bakit lumampas sa itinakdang araw para aksyunan ang mga panukala ay dahil sa late sa pagpapasa ng mga sangguniang bayan at lungsod kung kaya’t umiiral na ang ipinapanukala bago pa man ito dumating sa sangguniang panlalawigan. Isa pa rin anilang dahilan ay ang hindi pagdalo ng mga kinauukulang local officials sa mga pagdinig ng mga komitiba.

Ito ang nais masolusyunan ng sanggunian panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Alcala sa pamamagitan ng binabalangkas nila ngayong mga guidelines, kasama ang paglalagay ng dahilan upang maging malinaw kung bakit nag-lapse into law ang panukala.

Maaari kasi umanong maging sistema na ito ng mga local government unit na palampasin ang itinakdang araw para aksyunan ang panukala at makonsidera itong valid.

Ayon pa kay Alcala, bahagi lamang ang mga ito sa mga layunin ng pamahalaang panlalawigan na good governance o maayos na pamamahala.

Pin It on Pinterest