Mga pasaherong pauwi galing holiday vacation patuloy ang pagdating sa Port of Lucena
Patuloy ang pagdating sa Port of Lucena ng mga barko lulan ang mga pasahero galing ng Marinduque at Romblon mula sa bakasyon nitong nagdaang Pasko at Bagong Taon.
Pagdaong ng RoRo vessel sa pantalan, ang pasahero nagmamadaling bumaba na tila sabik nang makauwi.
Bagama’t wala pang eksaktong tala ang Philiipne Port Authority – Lucena City ng bilang ng pasaherong dumaong sa pantalan kaninang tanghali ng January 3, marami ng biyahero ang dumating.
Katunayan bago mag alas-onse ng tanghali, may limang RoRo vessel na ang dumaong lulan ang mga private vehicle at passenger mula sa Marinduque at Romblon.
Sa tala ng Port of Lucena, hapon hanggang gabi ng January 2, nang magsimulang dumagsa sa pantalan ang departure passenger na karamihan ay babalik ng Metro Manila matapos ang holiday vacation.
Sinabi ng mga pasahero, medyo pahirapan daw ang pagsakay nila ng barko sa Port of Marinduque patawid ng Port of Lucena dahil sa dami ng pasaherong uuwi.
Pagdaong ng mga pasahero sa pantalan, mahabang pila naman ang naranasan bago makasakay ng bus.
Kanina, may pailan-ilan pa rin na pasahero ang dumadating sa Port upang sumakay ng barko patungong Marinduque at Romblon.
Samantala mula December 16, 2022 hanggang January 2, 2023, nakapagtala ang Port of Lucena ng higit 51,000 na pasaherong sumakay ng barko patungong Romblon, Marinduque at Masbate, habang higit 37,400 naman ang dumating na pasahero mula Masbate, Marinduque at Romblon.
Sa ulat ng mga awtoridad sa kasalukuyan wala naman naitala na ano mang untoward incident na nangyari.