News

Mga pasaherong tumatawid sa naputol na tulay sa Batangas at Quezon, inutusan ng PCG na gumamit ng life vest

Ipinag-utos ngayon ng Philippine Coast Guard o PCG sa mga pasaherong sumasakay sa bangka at tumatawid sa ilog sa naputol na tulay sa pagitan ng Sariaya, Quezon at San Juan, Batangas na magsuot ng life vest.

Ginawa ang kautusan bunsod ng insidente ng pagtaob ng isang bangka na may apat na sakay nitong Sabado ng hapon.

Maswerte namang nakaligtas ang mga sakay ng tumaob na bangka pero sinuspende pa rin ng mga awtoridad ang operasyon ng tatlong bangka na dating nag-ooperate sa ilog.

Ayon sa Philippine Coast Guard, ang nasabing mga bangka ay hindi pampasahero kundi sakayan lamang ito ng buhangin ng mga nagku-quarry sa ilog at wala ang mga itong katig kaya mataas ang posibilidad ng aksidente.

Kaya naman upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ay pinalitan ng PCG ng isang bangkang de motor na may katig para sa mas ligtas gamitin ng mga sumasakay.

Nitong Linggo ng umaga ay nag-inspeksyon ang mga tauhan ng PCG sa nasabing ilog.

Hiling naman ng mga residente at ng mga sumasakay na madagdagan ang nagtatawid na bangka dahil sa inaabot sila ng mahabang oras sa pagpila para makasakay.

Lalo ngayon na madadagdagan ang mga tatawid na pasahero dahil sa pagsisimula na muli sa Lunes ng naantalang klase ng isang national high school sa Barangay Tipaz, San Juan na nasa kabilang ibayo ng nawasak na tulay.

Pin It on Pinterest