Mga pulis na pumatay sa anak ni Sariaya, Quezon Mayor Gayeta, hinatulan ng habang-buhay na pagkakabilanggo
Habang-buhay na pagkakabilanggo sa kasong double murder ang naging hatol sa tatlong dating pulis-Tayabas na pumatay sa anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta noong 2019.
Emosyunal ang pamilya Gayeta sa naging hatol ng RTC Lucena, Branch 53 na life imprisonment para sa 2 counts of murder laban kina police chief, Lt. Col. Mark Joseph Laygo, ang dating hepe ng Tayabas PNP, Cpl. Lonald Sumalpong at Pat. Robert Legaspi.
Higit tatlong taon at siyam na buwan matapos patayin ang kanilang nag-iisang anak na lalaki na si Christian Gayeta at kasama nito na si Christopher Manalo, sabi ng pamilya Gayeta nakamit nila ang hustisya.
“Naging maluwag-luwag ang aming madilim na pinagdaanan. Matagal naming hinintay, tatlong taon siyam na buwan dalawampu’t walong araw naming inantay, bilang na bilang ng mga anak ko ang bawat araw, ang araw na ito kaya tuwang-tuwa kami bagamat hindi maibabalik ang anak ko alam ko na maraming buhay ang na-isave namin dahil ginamit lang ang anak ko nang sa ganoon ay maputol na ang kalapastanganan ng mga datihang police na yan,” ang sabi ni Mayor Gayeta.
“Halos hindi kami makatulog ng ilang araw, sobra po kaming nagpapasalamat dahil ito na po ‘yung katuparan na halos tatlong taong at magsasapong buwan po sa 14,” sabi naman ni Marivic Gayeta.
Sinabi ni Atty. Crisanto Buela, legal counsel ng pamilya Gayeta, hindi humarap sa trial court ang tatlong pulis na akusado nang desisyunan ang kanilang kaso.
“Ang reaksyon noon siyempre galit siyempre tatlo sila, hindi sila humarap dito, by-video conference eh. Nagtagumpay din ang batas laban sa mga taong ito na gumagawa ng kasamaan na nakakasira sa imahe ng PNP dahil sa mga taong ito,” ani Atty. Crisanto Buela, legal counsel ng pamilya Gayeta.
Matatandaang March 14, 2019 nang mapatay ng mga pulis si Christian Gayeta at kaibigan nito na si Christopher Manalo sa umano’y rub out incident matapos umanong mangholdap sa isang gasolinahan.
Pero lumabas sa imbestigasyon ang tunay na nangyari na scripted o gawa-gawang ang nasabing police operation.
Sa naging imbestigasyon, una nang napatay ng mga pulis ang dalawang biktima habang nakaposas.
Kinuha ang kasuotan ng mga ito at gumawa ng senaryo na panghoholdap upang palabasin na lehitimo ang kanilang operasyon.
Sa paglabas ng katotohonan at sa hatol na reclusion perpetua laban sa mga akusado, nakamit ng pamilya ng mga bikima ang hustista na ilang taon din nilang inantay.