News

Mga Senior Citizen ng Dalahican Binakunahan ng Anti-pneumonia

Mahigit 100 senior citizens ang nakinabang sa vaccination program sa Lucena City bilang bahagi ng hakbang laban sa COVID-19.

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ang bakuna laban sa pneumonia para palakasin ang immune system ng mga residenteng may edad animnapu pataas.

Sa tulong ng Office of Senior Citizen Affairs Dalahican at City Health Office ay nabigyan ng anti-pneumonia shots ang mahigit 100 na matatanda ng nasabing barangay sa lungsod.

Pinangangasiwaan ng barangay senior presidents ang schedule ng vaccination sa venue upang maipatupad ang physical distancing at iba pang minimum health protocols.

“Meron po ngayong vaccination ng senior citizen priority po ng pneumonia vaccine so binigyan po tayo ng limited numbers. ‘Yan po ay ipinamahala natin sa ating mga senior citizen coordinator and officers na sila pong maghanap ng senior citizen na maaring mabakunahan ngayong araw”.

Ayon kay Kapitan Roderick Macinas, malaking tulong ang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan para sa sektor ng mga nakatatanda sa lugar para palakasin ang kanilang immune system at maiiwas sila sa sakit.

“So alam naman natin na ang pneumonia ay medyo delikado po ito na sakit kaya lalong lalo na po ‘pag nadapuan mo nitong senior citizen kaya nga po nagkakaroon tayo ng pneumonia vaccine to prevent po ng malalamang tama ng pneumonia laban po sa ating mga senior citizen.”

Limitado lamang ang bilang ng benepisiyaryo sa bawat komunidad pero target na paabutin ang programa sa lahat ng barangay.

Umaasa ang Lucena LGU na sa pamamagitan ng immunization program ay mababawasan ang kaso ng COVID-19 sa siyudad lalo’t higit na delikadong matamaan ang senior citizens.

Pin It on Pinterest