Mga volunteer workers ng Batangas tumanggap ng honorarium
Ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang unang batch ng honorarium para sa mga volunteer workers at community partners ng labing apat na bayan para sa 2nd Quarter ng 2017. Pinangunahan ni Gov. Dodo Mandanas ang pag-aabot ng insentibo sa mga barangay health workers, barangay nutrition scholars, day care workers, parent leaders at mga pangulo ng mga samahan ng senior citizens at persons with disability. Naunang nagtungo ang mga taga Kapitolyo, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development at Provincial Health Office, sa bayan ng Lian kung saan 1,742 ang volunteer workers na napaabutan ng honorarium kasama ang mga taga Calatagan at Nasugbu. Sumunod dito ang 1,537 na mga katuwang sa paglilingkod mula sa mga bayan ng Balayan, Tuy at Calaca. 1,503 mula sa Lemery, Taal, Agoncillo, San Nicolas at San Luis at 603 mula Sta. Teresita, Alitagtag at Cuenca ang nabigyan din ng insentibo.
Ipinaabot ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, ang taos-pusong pasasalamat sa mga volunteer workers sa tuloy-tuloy na pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin sa kani-kanilang mga barangay. Dagdag pa ng Batangas Governor na ang kanilang serbisyo ay hindi matatawaran dahil sila ang 24/7 na katulong at kabalikat sa bawat komunidad ng lalawigan.