OpinionPaninindigan

Minsan… isang panahon…

Sino ba ang magulang na naghangad ng masama para sa anak. Cliché, marahil ang sasabihin mo. Gasgas na at itinabi na sa baul. Pero seryosohin natin, oo nga’t may mga napapabalitang pailan-ilang magulang na hindi marunong maging magulang sa sariling anak, pero napakaliit na porsyento nito kumpara sa mga totoong ina at ama ng tahanan na inuuna ang kapakanan ng mga anak nila. Sa mga magulang na itinataguyod ang kapakanan ng mga anak, humahanga tayo, ‘di ba? Lalo pa kaya sa magulang na itinataguyod ang kaligtasan hindi lang ng sarili kundi pati anak ng iba. Ano pa? Pagiging family man marahil ang nagtulak sa isang miyembro ng Sangguniang Panglunsod ng Lucena para magsagawa ng privilege speech tungkol sa kaligtasan ng mga bata lalo na sa mga iniaangkas sa motorsiklo. Hindi naman bago sa atin ang mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo – nabangga sa poste dahil lasing, nabangga ng lasing, nagkabanggaang lasing, at napakarami pang posibilidad ng aksidente sa lasing! Sa pribilehiyong pananalita ni Konsehal Americo Q. Lacerna ay tinutukoy ang Republic Act No. 10666, “An Act Providing for the Safety of Children Aboard Motorcylces” na nakapasa sa House of Congress noong May 27, 2015 at tuluyang naging batas noong July 21. Nakasaad sa Section 4 ng batas na labag sa batas ang pagmamaneho ng motorsiklo (2-wheeled motorcycle) na may angkas na bata sa mga pampublikong lansangan kung saan madami ang dumadaang sasakyan at may speed limit na mahigit pa sa 60 kilometro bawat oras liban kung:

  1. a) Ang angkas na bata ay komportableng

naaabot ang tapakan (foot peg) ng

motorsiklo

  1. b) Kayang yakapin ng angkas na bata ang

baywang (waist) ng nagmamaneho ng

motorsiklo

  1. c) Ang angkas na bata ay may suot na helmet

na naaayon sa RA10054 o Motorcycle

Helmet of 2009

Samantala, sa Section 5 nama’y nakasaad na hindi aplikable ang naunang mga nabanggit kung ang bata ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Ang mga paglabag sa batas na ito ang may katapat na kaparusahang multa na tatlong (3) libong piso sa unang paglabag; limang (5) libong piso sa pangalawa; at sampung (10) libong piso naman sa mga susunod pang paglabag. May isang buwan ring suspensyon ng lisensya sa ikatlong opensa at rebokasyon naman sa mga susunod pa. Kung magdudulot naman ng kapinsalaan o kamatayan sa angkas na bata ay haharap sa pagkakakulong ang nagmamaneho ng motorsiklo. Sinasabi sa pribilehiyong pananalita ni konsehal Lacerna na bilang mga lingkod bayan, silang mga nasa Sanggunian ay dapat na suportahan ang nasabing batas para sa kapakanan ng mga maaaring maging biktima ng aksidente. Paalala pa ng konsehal, ipagsasapalaran pa ba natin ang kaligtasan ng bata at ang multang maaari nang gastusin sa ibang mas makabuluhang bagay katulad ng pagkain at mga bagay na makakapagbigay ng kasiyahan at kaginhawahan sa ating mga anak? S’ya nga naman, tama ka, konsehal. Marahil sa iba ay abala sa convenience of travel ang batas na ito, baka sabihin pang maingat namang magmaneho o kaya’y sa tinagal tagal ng pagmamaneho ay hindi pa nasasangkot sa aksidente ni minsan. Pero dapat na isipin din nating sa lansangan ay hindi lang tayo ang may hawak ng manibela, kung hindi tayo ang nakakainom ay maaaring ‘yung kasabay natin, ‘yung nagpupumilit mag-overtake sa atin o kaya naman ay ang nasa unahan natin. Isang magandang punto ang pagiging family man ng konsehal na nadala nito sa pagiging public servant, sa sarili ko lang na obserbasyon. Dahil nasa huling termino na bilang konsehal ay nagkataon naman na sa paglipas ng ilan pang taon ay masasabing may magulang na nagisip para sa kapakanan hindi lang ng sariling anak kundi pati na sa anak ng kapwa mamamayan, minsan… isang panahon.

Pin It on Pinterest