MMDA, katuwang sa pagpaplano ng trapiko sa Gumaca
Magiging katuwang ng lokal na pamahalaan ng Gumaca, Quezon ang Metro Manila Development Authority o MMDA sa pagbuo ng kanilang proactive traffic management plan para sa susunod na 5-10 taon.
Kasunod ito ng pagbisita ng mga local officials ng Gumaca sa ahensiya nitong Martes para sa kanilang lakbay-aral.
Tiniyak ng MMDA na magpapadala sila ng team sa bayan ng Gumaca na tutulong sa paggawa ng traffic management plan at ito mismo umano ang grupo na gumagawa ng plano sa mga major cities sa buong bansa.
Bukod dito, suportado din ng MMDA ang pagsasanay ng mga traffic enforcers ng LGU, kasama ang training sa paghahanda at pamamahala sa oras ng sakuna at kalamidad.
Napag-usapan din ng dalawang panig ang advanced technology sa security system na mayroon ang ahensiya na maaaring ding ibahagi sa lokal na pamahalan at pagpapalawig sa kagamitan tulad ng mga CCTV.
Isa rin sa tinalakay ang sistema ng MMDA sa Materials recovery facility at eco-brick making, na isa sa programa sa bayan na isinasagawa upang mabawasan ang basura at gawing kapaki-pakinabang muli ang mga ito.