News

MOA ng LGU Lucena at DSWD para sa Fund Transfer ng Social Pension ng Indigent Senior Citizens, aprubado na sa komite ng Sangguniang Panlungsod

Pasado na sa komitiba ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang pagpasok sa kasunduan ng lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development para sa paglilipat ng pondo ng social pension ng mga indigent senior citizen.

Sinabi ni Acting Lucena City Social Welfare Officer Mayshell Rañada sa pagdinig nitong Miyerkules na pinangunahan ni Konsehal Manong Nick Pedro, chairman ng Committee on Social Welfare, PWDs, Senior Citizens, Women & the Family na layon ng fund transfer na mapabilis ang pamamahagi ng social pension at matiyak ang kaginhawahan ng mga benepisyaryo.

“Ang pagkakaiba lang po is nakadepende po tayo sa pondo ng nasyunal kung saan po tayo ay pumupunta doon para magsumite ng ating papel at sila naman para mag-payout. Ngayon po, tayo na po ang magpapa-facilitate ng pay-out.”

Ayon kay Rañada, isa ang Lucena City sa mga LGU’s na pinayagaan ng DSWD na magsagawa ng fund transfer dahil na rin sa malinis na liquidation report ng pamahalaang panlungsod.

Ibinalita rin ni Rañada sa pagdinig na sa halip na quarterly ang pagre-release ng social pension ng mga senior citizen ay magiging semestral na ito o dalawang beses kada taon batay sa inilabas na memorandum circular ng DSWD.

Inaasahan naman ni Konsehal Manong Nick na higit na makakatulong ang panukala para sa mga senior citizens ng lungsod.

Nakatakda nang sumalang ang panukala sa 2nd reading ng plenaryo ng Sangguniang Panlungsod sa susunod na linggo.

Pin It on Pinterest