News

Nagpapanggap na Basurero Para Makapanghingi Ngayong Kapaskuhan, Bistado sa Lucena City

Bistado ang modus ng isang grupo sa Lucena City na nanghihingi o nanunulisit sa mga establisyimento at mga kabahayan na nagpapakilang mga garbage collector ng syudad subalit hindi empleyado ng General Services Office ng Lucena LGU at hindi totoong mga basurero. Ginagamit daw ang nasabing posisyon upang makapanghingi ngayong kapaskuhan.

Mismong ang field officer ng GSO na si Ramil Caballero ang aktong nakakita sa panloloko ng grupo matapos maaktuhan na nanghihigi sa isang lugar sa Lucena City. Namukhaan daw n’ya ang mga ito na hindi mga garbage collector ng lungsod.

“Nakita ko ay nakilala ko po sila e, at lagi po kami ang napagbibintangan at lagi kami ang napagkukuwanan, kung ano ng pinagsasabi sa amin, modus po nila ‘yun,” sabi ni Ramil Caballero.

Sinabi ni Caballero na taon-taon daw na ginagawa ng naturang grupo ang panloloko at pagamit sa kanilang hanay.

“Taon-taon po nila ginagawa ‘yun, wala pong problema kung sila ay, ‘wag lang po nila gagamitin ang aming tropa at kawawa naman po ‘yung mga basurero,” saad ni Caballero.

Ayon sa General Sevices Office Head ng Lucena City Government Allysa Mejares, mahigpit nilang ipinagbabawal sa kanilang mga tauhan ang panunulisit o panghihingi ng kahit ano ngayong holiday season. Noong mga nakaraang taon pa sila nang maglabas ng memoramdum hinggil dito.

“Hindi po kasi namin pinapayagan ang aming staff na mamasko, panghingi o manulisit sa ating mga kababayan kasi ito pong ginagawa nila ay parte po ng kanilang trabaho. Opisyal po ng hanap buhay or function on duties and responsibilities nila na hindi kailangang humingi ng karagdagan pa na kita o ano mang ibibigay ng ating mamamayan. Ito po ay ipinagbabawal noon pang mga nakaraang taon,” sabi ni Allysa Mejares.

Pinag-iingat ni Mejares ang mamamayan ng Lucena ngayong papalapit ang kapusakuhan sa ganitong uri ng modus o panloloko.

“kung kayo po ay may ma-i-incounter na ganitong mga pagkakataon na may mga mahihingi sa inyo at magsasabi na sila ay bahagi ng Solid Waste Management Division o ng General Services Office ay ipag-alam n’yo po sa amin,” saad ni Mejares.

Kung kasali man na lihitimong tauhan nga ng kanilang ahensya ang nagso-solicit, maaari raw itong isumbong sa kanilang tanggapan upang mapatawan ng karampatang parusa.

“’Pag po nakakarinig kami ng ganito at upon investigation na napatunayan po na sila ay nag-solicit agad-agad po ay pinapatawan natin ng memorandum para sa suspension,” sabi ni Mejares.

Sa mga taong gumagamit sa pangalan ng kanilang hanay para sa isang modus, banta ng naturang department head, siguradong mananagot ang mga ito at mahaharap sa kaparusahan.

“Iri-report ng aming tanggapan ito sa sa pulisya kung ano man ang puwede natin na karampatan na maibigay na penalty,” saad ni Mejares.

Pin It on Pinterest