News

NAWAWALANG PONDO: Kapitan Mandy Suarez ng Barangay 8, walang kinalaman sa pagkawala ng pera ng barangay

Sa usapin pa rin ng pondo ng Barangay 8 sa Lungsod ng Lucena ay ibinahagi pa rin ni Kapitan Mandy Suarez na nakipag usap anya siya sa City Auditor’s Office upang maging malinaw kung anong tseke ang nabanggit sa kanya ni City Treasurer Ruby Aranilla. Nang ipakita anya sa kanya ang mga tseke ay sinabi ng kapitan sa Auditor na hindi nga niya pirma ang mga nasa tseke. Ibinahagi pa ni Kapitan Suarez na base sa petsa ng mga tsekeng kanyang nakita ay nag-umpisa anya ito noong panahon na siya ay lumabas ng bansa upang magbakasyon. Maaari daw niyang ipresenta ang kanyang pasaporte at dokumento kung kinakailangan ito para mapatunayang wala siyang kinalaman sa anumalya.

Sa mga kasunod na panahon anya ay nakausap na rin ng COA o Commission on Audit, City Treasurer at City Accounting Office ang Brgy. 8 treasurer at dito aniya inamin ng brgy. official na siya ang gumawa at pumeke sa pirma ni Kapitan Mandy Suarez. Ayon pa sa kapitan, pinatutunayan daw ito ng isang sinumpaang salaysay at nagsasabi pa ring walang kinalaman ang kapitan sa pangyayari.

Bagamat sa panayam ng Bandilyo TV ay inamin ni Kapitan Mandy Suarez na wala siyang hawak na opisyal na datos kung magkano ang involve na halaga sa mga nakuha mula sa pag-i-issue ng cedula at mga tsekeng pineke ang pirma, may nakausap anya siya mula sa COA na aabot sa 1.6 million pesos ang nawawalang pondo sa Barangay Otso.

Pin It on Pinterest