Nominasyon para sa Natatanging Anak ng Lucena patuloy pa rin
Bukas pa rin ang nominasyon para sa mga Lucenahin na mayroong mahalagang kontribusyon sa iba’t-ibang sektor ng lipunan sa lungsod para sa Natatanging Anak ng Lucena. Ang pag-gawad sa Natatanging Anak ng Lucena ay ginagawa tuwing ikalawang taon kaalinsabay sa pagdiriwang ng Araw ng Lucena upang kilalanin ang mga indibidwal na nakapag-ambag ng kanilang taglay na talino, galing at kakayanan sa ikauunlad ng isang sektor. Ipinagkakaloob ang award sa mga Lucenahing manguna sa larangan ng edukasyon, sining at kultura, sports, agrikultura, usaping pang-kalusugan, serbisyong pampubliko, relihiyon at iba pa.
Ang screening committee ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlungsod, pribado at pampublikong sektor. Nagpu-pulong ang mga ito upang talakayin ang mga batayan para maging kwalipikado ang isang indibidwal sa parangal. Isa sa mga guidelines para sa seleksiyon ng Natatangin Lucenahin ngayong taon ay kinakailangan na ipinanganak sa lungsod ng Lucena o kaya ay nanirahan sa lungsod sa loob ng 15 taon kaakibat ang dokumentong nagpapatunay na siya ay lehitimong Lucenahin. Dagdag pa dito ang mga kontribusyon para sa lungsod o naibigay sa buong bansa na nagdala ng karangalan para sa Lucena.
Ang Natatanging Anak ng Lucena ay parangal na ibinibigay upang maging inspirasyon para sa mga kabataang Lucenahin at kanilang tularan o higitan pa ang mga naiambag sa lungsod ng mga itinanghal na Natatanging Anak ng Lucena.