Online Sabong, Payag ang Pangulo na Suspendihin!
Inanunsiyo ni Vice Presidential Aspirant Vicente “Tito” Sotto III na pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na masuspinde ang e-sabong o online sabong bunsod ng pagkawala ng 31 sabungero.
Ayon sa Senador, pumayag na si Pangulong Duterte na suspendihin muna ang operasyon ng mga online sabong sa bansa.
Ginawa ni Sotto ang anunsiyo sa pagbisita nila ni Partido Reporma Presidential Candidate Panfilo “Ping” Lacson sa Lucena City noong Pebrero 28.
Sinabi ni Sotto na si Sen. Ronald Dela Rosa ang nagsabi sa kanya na ipasususpinde ni Pangulong Duterte ang lisensiya ng online sabong operators.
Nagkausap aniya ang Punong Ehekutibo at si dela Rosa, Linggo ng gabi (February 27) at sinabing payag ang pangulo sa pagpapatigil nito.
‘’Sinabihan kanina o kagabi si Sen. Dela Rosa na Chairman ng Committee on Public Order, sabi raw ni Presidente Duterte payag siya na suspendihin ang mga lisensya ng mga e – sabong na ‘yan,” saad ni Sen. Tito Sotto III.
Unang nagsagawa ng pagdinig ang Commiitee on Public Order na pinamumunuan ni Dela Rosa ukol sa pagkawala ng mga sabungero. Sa pagdinig, hiniling ni Sotto na magpalabas ng resolusyon ang komite para sa suspensyon ng lisensiya ng online sabong operators.