News

Ordinansa upang masingil ang 9 na bilyong pisong pagkakautang sa buwis ng isang power plant sa Quezon, Umaasang papaboran ng Pangulo- Vice Governor Anacleto Alcala III

Umaasa si Vice Governor Anacleto Alcala III na papaburan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinagtibay na ordinansa kamakailan ng 2 Local Legislative Bodies ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon at Sangguniang Bayan ng Pagbilao na humihiling sa pangulo na mapawalang bisa o hindi na magkaroon ng reduction at condonation sa buwis na dapat na binabayaran ng isang Power Plant na nakabase sa Brgy. Polo, Pagbilao, Quezon na pinamamahalaan ng Team Energy Corp. (TEC) na umabot na sa siyam na bilyong piso.

Sabi ni Alacala III malaki kasi ang maitutulong sakaling bayaran ng buo ng naturang power plant ang singiling buwis na ito sa Provincial Government para sa iba’t ibang pangunahing serbisyo sa mamamayan ng lokal na pamahalaan.

‘’More than P9 Billion pesos na maari sana magamit natin doon sa mga serbisyong pinaguusapan natin sa health, sa edukasyon, sa livelihood, sa agriculture, sa mangingisdang maliliit sa naapektuhan ng lahat ng sakuna. Mas malawak mas marami pong magagawa kung makuha natin ang tax due dito sa plantang ito so yoon ang tanging panalangin sa ating pangulo ‘yong makuha po ito sa lalong madaling panahon,’’ ang sabi ni Vice Governor Anacleto Alcala III.

Matatandaan noong Jan. 23, 2023, isang Joint Session sa pagitan ng SP Quezon at SB Pagbilao, ang isinagawa, dito isang resolusyon ang ipinasa upang masingil ng buo ang pagkakautang ng buwis ng nasabing power plant.

Isa itong makasaysayang tagpo na bihirang mangyari sa Probinsya ng Quezon, ang pagsasama ng 2 Local Legislative Bodies upang bumuo ng nagkakaisang paninindigan upang maipaabot sa pangulo ng bansa ang kanilang pagnanais hingil sa nasabing usapin, nangyari lamang sa ilalim ng liderado ni Vice Governor Alcala III bilang Presiding Officer.

Dinaluhan ito ng lahat ng miyembro ng Provincial Legislative Board at Municipal Legislative Council, nagkakaisa silang nagpasa ng resolusyon para igiit ang kanilang karapatan sa tamang lokal na pagbubuwis sa nasabing power plant, bagay na sana’y pakinggan ng pangulo ang kanilang pinagsamang kahilingan upang masingil ng buo ang pagkakautang na buwis ng naturang power plant.

‘’Ang ating hangarin po dito ay makabuo o bumalangkas ng isang resolusyon na humihingi, his excellency Pangulong Bong Bong Marcos na huwag ng i-condone o reduce ang tax o real property tax ng plant dito sa Pagbilao,’’dag-dag pa ni Vice Governor Anacleto Alcala III.

Unang kinondon ang pagbabayad ng buwis ng naturang planta noong panahon ni dating Pangulong Noy Noy Aquino, mula sa higit 6 bilyong piso nabayaran lamang noon ang Provincial Government ng higit 1.2 bilyong piso at may kasama namang bilyong pisong halagang proyekto para sa lalawigan.

At ngayon nais ng Municipality of Pagbialo at ng Quezon Provincial Government na mabayaran ng buo ang umabot na ngayon sa higit 9 na bilyong pisong pag-kakautang sa buwis.

‘’Ang ating kagustuhan ay maipaabot sa ating pangulo na tayo ay humihiling sa kanyang kagalingan na huwag ng i-continue ‘yong condonation na ibinigay ng mga nakaraang pangulo”- Vice Governor Anacleto Alcala III

Bunga ito ng liham na ipinadala ni Quezon Governor Doktora Helen Tan sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan noong Nobyembre 17, 2022 na humihiling na magsagawa ng masusing pag – aaral hinggil sa naturang usapin.

Pin It on Pinterest