P1.4B na budget ng Lucena LGU ngayong 2023, pasado sa Sangguniang Panlungsod
Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang budget ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena para sa taong 2023, na nagkakahalagang ₱1,455,676,373, sa isinagawang regular na session ng Sangguniang Panlungsod ngayong araw ng Lunes, November 7, 2022 sa 3rd Floor ng Lucena City Government Complex.
Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2023 annual budget ng SP, sa pangunguna ni Konsehal Nicanor “Manong Nick” Pedro Jr., ang chairperson ng Committee on Appropriations.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na ang pinakamalalaking bahagi ng budget ay nakalaan para sa General Public Services na nagkakahalaga ng P731,065,586, Social, Security and Welfare na umaabot sa P187,003,018, at Economic Services na may kabuuang P185,335,290.
Ang naipasang pondo ng pamahalaang panlungsod sa ikalawang pagbasa ay naaayon sa mga inilatag na priority programs and projects ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga resolusyon na nagtataglay ng kanilang mga pangangailangan.