News

Pag-pigil sa land conversion sa Mauban, may nakitang problema sa SP Quezon

May nakitang problema ang mga bokal ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon kung bakit hindi agad naaprubahan ang binabalak na Industrial Park sa bahagi ng bayan ng Mauban at kalapit na bayan nito. Sa eksklusibong panayam kay 2nd Dist. Board Member Bong Talabong ay sinabi nitong mayroon siyang nakitang problema sa panukala. Aabot anya ng dalawang libong ektaryang lupain agrikultural ang nais i-convert sa industrial use na sa tingin ng mga kapwa bokal ay maapektuhan ang mga magsasaka sa limang barangay ng bayan ng Mauban. Sinabi pa ni Talabong na ang kalakhan ng lupain ay aabot na sa 2% ng kabuuang lupain ng buong bayan.

Ang pagiging lupain agrikultural ayon kay Talabong ang nagtulak sa Sangguniang Panlalawigan upang pag-aralang muli ang binabalak na malaking proyekto sa lalawigan ng Quezon. Sigurado anyang maaapektuhan ang mga magsasaka sa Mauban kaya kailangan ng masusing pag-aaral. Nilinaw naman ni Talabong na hindi nakatenggang lupain ang maapektuhan ng proyekto dahil base anya sa mga opisyal ng bayan ay agricultural lands ang nakalagay dito.

Ang gagamit ng lupain na pinag-uusapan ay ang bilyong pisong industrial park na balak ilagay sa bayan ng Mauban at kalapit bayan nito. Inaasahan ding magkakaroon ng mga regional offices ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kapag ito ay natuloy at magke-create din ng iba’t ibang uri ng oportunidad sa pagkakakitaan at trabaho para sa mga taga Lalawigan ng Quezon.

Pin It on Pinterest