News

Pagasang mapaunlad ang kanilang rehiyon o probinsya mas mabilis na makakamit sa sistemang pederal

Magkakaroon ng pag-asa ang mga lalawigan at rehiyon na mapaunlad ang kanilang mga sarili sa sarili din nilang diskarte. Ito ang sinabi ni Abner Malabanan, miyembro ng PDP Laban at kasalukuyang Chairman ng Education Committee ng political party. Sa presenteng sistema ng gobyerno ayon kay Malabanan ay kadalasang nangangailangan ng permiso mula sa nasyunal na pamahalaan ang malalaking programa o proyekto na nais ipatupad ng Local Government Units o LGUs. Sa pamamagitan anya ng sistemang pederal ay makakapag desisyon ang lokal at hindi na kailangan pa ng approval ng nasyunal na gobyerno. Magkakaroon din anya ng sariling pagpili ang lokal na pamahalaan kung ano ang nababagay na diskarte o istilo ng isang proyekto upang mas mapakinabangan ito ng mamamayan. Hindi rin maiiwan anya ang ibang mahihirap na probinsya o rehiyon dahil babalansehin anya ang mga ito.

Sinabi pa ni Malabanan na dahil sa mahigit otsenta porsyento ng resources ng isang LGU ay sa nasyunal na pamahalaan nanggagaling ay napakatagal bago makarating sa mamamayan ng mga proyekto. Kadalasan pa anyang mayroon nang cut o porsyento ang sinumang nakakaalam ng programang ibababa ng nasyunal na pamahalaan sa lokal. Isang problema pa rin sa kasalukuyang sistema ng gobyerno ay ang aniya’y pagkakapare-pareho ng halaga ng isang partikular na programa o proyekto na hindi isinasaalang alang ang kundisyon ng isang lugar. May mga lugar anyang sa kaparehong proyekto ay nangangailangan ng mas malaking pondo dahil sa hirap ng dinadaanan at iba pang aspeto bago ito maisagawa.

Sa eksklusibong panayam ng Bandilyo TV kay Abner Malabanan ay binanggit pa nito na katulad sa umiiral na sistema ng pamahalaan ay malaking parte pa rin sa sistemang pederal ang pagiging madiskarte ng isang lider. Ito ang anya ang katangiang nakakaambag sa mas mabilis na pag unlad ng isang lalawigan o rehiyon.

Pin It on Pinterest