Pagbabakuna Kontra COVID-19 sa Edad 5-11 Sinimulan na sa Mauban, Quezon
Umarangkada na ngayong Lunes ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11 sa bayan ng Mauban, Quezon.
Inilunsad ang dalawang araw na vaccination rollout para sa naturang age group sa Dr. Maria D. Pastrana National High School (DMDPNHS) na kung saan nagkalat ang mga makukulay na lobo upang maaliw ang mga bata habang naghihintay na mabakunahan.
Mayroon ding mascot na umiikot sa vaccination site habang namimigay din ng mga candies at chocolates sa mga batang nakatanggap na ng bakuna.
Ayon kay Dr. Ronald Mararac, Municipal Health Officer, layunin ng gawain na ito na mapahina ang virus dulot ng antibodies na mabubuo sa katawan. Aniya, ito na ang last “jab” upang tuluyang ma-knock-out ang sakit na COVID-19.
Target ng MHO na mabakunahan ngayong araw ang nasa 250 na mga bata habang karagdagang 250 din inaasahang mabakunahan bukas, March 8. Ipinapaalala naman ng MHO na hindi sila tumatanggap ng walk-in at kailangan munang magparehistro sa kanilang website.