News

Pagbabakuna sa mga Senior Citizens, Pinaigting sa Lucena City

Pinaigting ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ang pagbabakuna sa mga senior citizens na kasama sa itinuturing na vulnerable population.

Ayon kay Lucena City Administrator Anacleto Alcala Jr., may mga vaccination team na sumusuyod ngayon sa mga barangay upang manghikayat at magbakuna sa mga senior na hindi pa nababakunahan. Kasama dito ang may mga natatanging kalagayan tulad ng mga bedridden na wala ng kakayahan upang pumunta sa mga vaccination sites.

“‘Yun po ‘yung special case, halimbawa ‘yung mga hindi na makalabas, nakahiga na at kung payag ‘yung relatives na paturukan ang mga matatanda at may sakit, ‘yun po ‘yung ginagawa nating bahay-bahay,” ani Alcala.

Ayon pa sa Admin na malaya na ding tinatanggap ang mga walk-in na senior citizen sa mga vaccination sites sa lungsod.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa rin ng alert level 2 ang classification ng Lungsod ng Lucena sa COVID-19 at ayon kay Alcala na isa sa ikinokonsidera upang maibaba sa pinakamaluwag na alert level 1 ang siyudad ay kailangan na nasa 80% ang nabakunahan sa mga senior citizen.

“Bagamat inaantay natin na maging alert level 1, ang sabi magiging alert level 1 tayo kung ‘yung mga senior citizens natin na nabakunahan ay nasa 80% na po,” saad ni Alcala.

Ayon sa administrator, ngayon ay nasa 71% na ang vaccination rate ng mga senior sa Lucena at upang makamit ang hinahangad na alert level 1 ay hindi sila magsasawang humikayat at ipaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19.

Pin It on Pinterest