Pagbabalik ng national grid o transmission lines sa pamahalaan o sa mga Pinoy nais ni Cong. Danilo Suarez
Ninanais na maibalik sa pangangalaga at pangangasiwa ng pamahalaan ang National Grid Corporation dahil sa higit na kahalagahan nito sa seguridad ng bansa. Ito ang sinabi ni Quezon 3rd District Cong. Danilo Suarez sa eksklusibong panayam ng 99.7FM at Bandilyo TV tungkol sa kalagayan ng transmission lines ng Pilipinas. Ayon kay Suarez, kung hindi man ito maibalik sa pangangalaga ng gobyerno ay huwag lamang sa kamay ng mga dayuhan ang pangangalagga. Sa kasalukuyan anya ay consortium ng mga Pilipino at ng dayuhan ang may hawak o nagma-manage ng National Grid o ng transmission lines ng bansa. Ang dayuhan aniya ay mga Chinese nationals. Kung magkakaroon ng alitan sa pagitan ng China at ng Pilipinas, ayon kay Suarez ay maaaring patayin ng mga ito ang kuryente sa bansa. Ito ang dahilan ayon sa kongresista kung bakit nais niyang mai-alis sa mga dayuhan ang pangangalaga ng transmission lines.
Sinabi pa ni Cong. Suarez na nagkamali ang pamahalaan sa pagbebenta nito. Hindi na naman anya kailangang magsisihan pa kung sino ang may kagagawan at ang kailangan na lamang ay gumawa ng mga hakbang upang mapabalik ito sa pangangalaga ng mga Pilipino o sa pamahalaan.
Nauna na ring sinabi ni Suarez na isa sa malaking pagkukunan ng pondo o ng kita ng pamahalaan ang transmission lines kung ito ay mapapabalik at mas mapapangalagaan din ang seguridad ng buong bansa.