Paggawa ng sanitary landfill facility ng Tagkawayan, sinimulan na
Pinasinayaan nitong Lunes ang groundbreaking ng bagong sanitary landfill facility ng Tagkawayan, Quezon.
Pinangunahan ito nina Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar at Vice Mayor Danny Liwanag.
Ang proyektong ito ay prayoridad na hakbang umano ng lokal na pamahalaan upang tuluyang isa-ayos ang pangangasiwa ng basura ng Bayan, na nakabatay sa RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Tiniyak ni Mayor Eleazar na sa ilalim ng pamumuno nila ni VM Liwanag at Sangguniang Bayan, ipapatupad ang mga itinatakda ng batas hinggil sa pangangasiwa ng nasabing sanitary landfill.
Ginawa ng alkalde ang pahayag sa harap narin ng pamunuan at residente ng Barangay Munting Parang upang siguruhin na dahil sa pagsunod sa mga panuntunan ng gobyerno, mapapangalagaan ang lugar para sa mas sistematisadong pagtapon ng basura na hindi lamang makakatulong sa pangangalaga ng kalikasan kundi magbibigay rin ng kaligtasan at kaginhawaan sa mga mamamayan.
Samantala, kinilala ng lokal na pamahalaan ang pamunuan ng Municipal Environment and Natural Resources Office sa pangunguna ni Mrs. Maribel G. Rosana sa pagsisikap na maisaayos ang problema ng dating open dumpsite na ipinasara ng DENR noong 2021.
Pinasalamatan rin ng LGU ang iba pang ahensya na tumulong sa pagsasakatuparan ng mga pagawain sa Sanitary Landfill kasama na si Engr. Jeseco Malolos na siyang nagdesinyo ng pasilidad.
Dumalo rin sa aktibidad ang miyembro ng Sangguniang Bayan, mga Pinuno ng Tanggapan ng Lokal na Pamahalaan, Solid Waste Enforcers and Educators Team–Environmental Monitoring Officer mula sa Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).