Pagiging Highly Urbanized City, hindi makakaapekto sa pagiging Lone District ng Lucena –Manong Nick Pedro
Iginiit ni Konsehal Nicanor Manong Nick Pedro Jr. na hindi legal requirement sa pagiging lone district ng isang siyudad ang status nito.
Sinabi ito ng konsehal sa kanyang pribilehiyong pananalita sa Sangguniang Panlungsod nitong Lunes.
Inihalimbawa ni Manong Nick ang mga lungsod ng Lipa at Batangas na kahit mga component city ay nagkaroon na ng sariling lone congressional district.
“Gusto ko lang liwanagin, ang Lipa at Batangas po ay component city pa rin hanggang ngayon pero meron na pong lone congressional districts, hindi po ba? Samantala tayo, isang highly urbanized city tayo pa po ang hindi papayag na magkaroon ng lone congressional district.”
May ilan kasi na tila ginagamit sa pagiging higly urbanized city ng Lucena noong July 1, 1991 at ikinakabit sa proposed lone congressional district ng siyudad.
Nilinaw ni Manong Nick na hindi na kinailangan ang plebisito upang maging HUC ang Lucena dahil hindi pa ito itinatakda ng batas noon.
“Gagawing problema o argumento ng mga tumututol sa lone district proposal at palalabasin pang iligal ang pagiging HUC nito. Tapos ay ikakabit sa proposed Lucena Lone District. Mga kasama, hindi bahagi sa legal requirement ng lone district ang status ng isang siyudad- ke-component city man, highly urbanized o independent component city kaya.”