LocalNews

Paglaban sa militarisasyon, pagtataguyod ng IHL, panawagan sa Quezon SOHRA 2025

Inilunsad ng Tanggol Quezon katuwang ang Quezon Ecumenical Movement ang State of the Human Rights Address upang ilantad ang tumitinding paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan ng Quezon.

‎Idinaos ang SOHRA noong Hulyo 21 sa Sacred Heart College, Lucena City na may temang “Defend Quezon: Paninindigan sa Panahon ng Militarisasyon at Panupil.”

‎”Hindi lang numero ang patong-patong na kaso ng arbitraryong pag-aresto, sapilitang pagpapasuko, pambobomba sa komunidad, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, at pamamaslang. Ito ay buhay ng mamamayang nakikipaglaban para sa kanilang karapatan, lupa, at kabuhayan,” ani Reb Hernandez, paralegal ng Tanggol Quezon.

‎Ayon pa kay Hernandez, tahasang paglabag din sa karapatang pantao ang pangangamkam ng lupa, agresyong pangkaunlaran, at mababang pasahod dahil sinasagkaan nito ang batayang karapatan ng tao na mabuhay, umunlad, at magkaroon ng dignidad.

‎Bilang biktima ng panggigipit ng militar at kaanak ng bilanggong politikal, ibinahagi ni Eddie Noriesta ang walang puknat na surveillance ng milktar sa kanilang pamilya. Apektado na rin aniya ang kanilang kabuhayan, higit lalo ang kanilang seguridad.

‎Nanawagan silang itigil na at ibasura ang gawa-gawang kaso na inihain sa kanilang kaanak at kung maaari ay tigilan na sila ng Armed Forces of the Philippines sapagkat walang silang ginagawang kasamaan at kailan ma’y ‘di lumabag sa batas.

‎Samantala, nagpahayag ng pakikiisa ang mga dumalong peace advocates mula sa sektor ng kabataan at taong simbahan.

‎Ipinahayag ng Quezon Ecumenical Movement at SHC Christian Vincentian Formation ang kanilang pakikiisa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng interfaith prayer para sa pagsusulong ng karapatan, hustisya, at kapayapaan.

‎Dagdag pa rito, tinalakay rin ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHIHL) upang magbigay linaw kung ano ba ang tunay na kahulugan at importansya ng batas ng digma sa gitna ng umiiral na digmaang sibil sa bansa.

‎Ang SOHRA ay naging daan upang ipabatid at ihatid sa ating mga mamamayan na bumuo ng pagkakaisa sa pagsusulong ng kapayaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. // via Tanggol Quezon-Press Release

Pin It on Pinterest