News

Pagsasaayos ng suplay ng PrimeWater, posibleng abutin ng 6 – 10 taon

Posibleng abutin ng 6 taon hanggang 10 taon ang hihintayin ng mga kostumer ng PrimeWater Quezon Metro bago magkaroon ng 24-oras na suplay ng tubig.

Ito ang pahayag ni Mary Grace De Ramos, Branch Manager ng nasabing water consessionaire sa pagdalo sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes.

Aniya, may mga lugar sa kanilang nasasakupan na Lucena City, Tayabas City at Pagbilao ang nakakaranas na ng buong araw na water supply ngunit malaking bahagi pa rin nito ang kailangang isaayos.

Kung kaya’t ito umano ang pinaagtutuon nila ng mga proyekto sa phase 2 ng kanilang joint venture sa Quezon Metropolitan Water District (QMWD).

Ayon kay De Ramos, patuloy daw ang isinasagawa nilang leak repair, pagpapalit ng mga lumang linya ng tubo at source development projects o ang pagdaragdag at pagsasaayos ng mga water sources.

Hiniling naman ng mga board members ng Sangguniang Panlalawigan na bilisan ang mga proyektong ito at unahin na mabigyan ng sapat na suplay ng tubig ang mga nangangailangan.

Iminungkahi din ng mga ito na ipakita ang business plan sa Sanggunian upang makapagbigay ng rekomendasyon para sa mas maayos na serbisyo.

Dagdag pa nila na huwag balewalain ang mga katanungan at sentimyento ng mga residente na gusto lamang ng kalinawan sa kanilang ibinibigay na serbisyo.

Sa Agosto 16 ay nasa ika-5 taon na ang joint venture ng PrimeWater at Quezon Metropolitan Water District (QMWD) upang maisaayos ang suplay ng tubig sa mga Lungsod ng Lucena at Tayabas at Bayan ng Pagbilao.

Pin It on Pinterest