Pagsisikap ng mga Government Agencies, Mahalagang Masuklian ng Kooperasyon -Manong Nick Pedro
Iginiit ni Manong Nick Pedro, Konsehal ng Lungsod ng Lucena na mahalaga na mabatid at malaman ng mga mamamayan ang mga pagsisikap na ginagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan lalo na sa panahon ng emergency.
Aniya, ito ay upang masuklian din ang mga pagsisikap na ito ng mga bagay na maaaring namang iambag ng mga mamamayan para sa pangangailangan ng mga ahensiyang ito ng pamahalaan.
“Para naman sa abot ng ating kakayahan ay makapag-ambag din naman tayo nung mga kaukulang pangangailangan. Halimbawa ay, not only in terms of equipment but cooperation, hindi po ba? Unity,” sabi ni Konsehal Manong Nick.
Hinangaan din ng konsehal ang walang tigil na pagbibigay ng impormasyon ng mga ahensiyang ito ng gobyerno para sa pagpapanitili ng kaligtasan ng komunidad na kung minsan ay nakakaligtaan ng ilang mamamayan.
“Alam n’yo kung minsan, siguro sa pagiging busy na rin sa buhay ng tao ay hindi na naiintindihan ‘yung mga bagay na dapat pag-ingatan para sa kaligtasan ng kanilang pamilya at ng kanilang sarili. It is good you are doing something about it,” saad ni Konsehal Manong Nick.