Pagtaas ng presyo ng bilihin noong Disyembre, ramdam ng marami
Ayon sa mga mamimili tila mas tumaas pa ang presyo ng mga bilihin nitong huling quarter ng taong 2022.
Ang pagmahal ng presyo ng mga produkto ay mas naramdaman nitong nagdaang Disyembre.
‘’Halos lahat naman ng pangpaskong gamitin, lalo na ang sibuyas”, sabi ni Aling Nora.
Sabi ni Aling Violeta ang isang libong piso nya noong December ay ilang produkto na lamang ang nabili kumpara noong mga nakaraang panahon.
‘’at gawa ng magpapasko e kaya ganoon, pero hindi pa rin naman bumababa, naku halaos hindi mo mapuno yung ganito sa halagang isang libo, mabibili nalamang ng bigas, ulam gulay wala na”, sabi ng consumer na si Violeta.
Samantala, umangat pa sa 8.1 porsyento noong Disyembre ang inflation rate sa bansa mula sa 8.0 porsyento noong Nobyembre.
Ramdam na ramdam ito ng maraming mamimili sa Lucena City.
Sa inilabas na impormasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA), ito ang pinakamataas noong 2022 at simula noong Nobyembre 2008.
Sa pagkukumpara, noong Disyembre 2021 ang inflation rate ay 3.1 porsyento.
Ang mataas na inflation rate ay patunay na mataas ang presyo ng mga bilihin noong nakaraang kapaskuhan, partikular na sa mga pagkain.
Ganoon pa man hindi naman nawawalan ng pag-asa ang marami na bababang muli ang presyo ng bilihin.
Umangat din sa 7.0 porsyento mula sa 6.5 porsyento noong Nobyembre ang bayad sa ‘restaurants and accommodation services’.
Nakapag-ambag din ang pagtaas sa bayad at presyo sa bahay, tubig, kuryente at mga produktong-petrolyo.
Ang naitalang 8.1 porsyento na inflation rate ay pasok naman sa ‘forecast range’ ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 7.8 – 8.6 porsyento.