Pagtatayo ng bagong gusali sa mga ospital sa Quezon, tinalakay
Sumentro sa pagtatayo ng mga bagong gusali sa iba’t ibang ospital sa Quezon ang naging consultative meeting ng mga kinatawan ng DOH Calabarzon, Quezon Health Office at Engineering Office nitong Martes.
Ayon sa Provincial Government ng Quezon, kaugnay ito sa patuloy na pagbibigay ng dekalidad serbisyong medikal sa mga Quezonian.
Napag-usapan sa pagpupulong ang pagtatayo ng Bondoc Peninsula District Hospital, Alabat Island District Hospital at Quezon Medical Center – Outpatient Department Building. Inilatag rin ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang plano sa pagsasaayos ng Claro M. Recto District Hospital at Quezon Medical Center main building.
Samantalan, pinangunahan ni Department of Health Region 4-A Licensing Officer Engr. Jojo Franco ang pagpupulong kasama sina Provincial Engineer Johnny Psatiempo at Integrated Provincial Health Office Head, Dr. Kristin Mae-Jean Villaseñor.
Kaugnay nito, nauna nang ipinagtibay sa Sangguniang Panlalawigan ang panukalang Province-Wide Health System Integration na layuning magkaroon ng iisang direksyon ang lokal na healthcare system sa buong lalawigan, kabilang na ang mga lungsod at bayan na sakop nito.