Paiimpok ng pera sa Pag-Ibig Fund hinikayat ang mga miyembro
Hinikayat ng PAG-IBIG Fund ang mga miyembro nito na tangkilikin ang Modified PAG-IBIG (MP)-2 Program upang magkaroon ng mas malaking dibidendo sa loob ng limang taon. Sinabi ni Michael Regaza, member services officer lV ng PAG-IBIG Fund, na bagama’t kilala ang ahensya sa pagpapahiram ng pera sa mga kasapi nito, nagtuturo din ang PAG-IBIG Fund ng wastong pag-impok ng pera na mayroong mas mataas na interest sa loob lamang ng limang taon.
Ayon pa kay Regaza, mula sa P500.00 kada-buwan na hulog, ito ay magiging P33,845.94 pagkatapos ng 5 taong maturity period. Pagkatapos nito, maaaring kunin kaagad ang naipon at muling ipasok sa MP2. Ang lahat ng magiging dibidendo kada-taon ay idadagdag sa perang naimpok. Ayon pa sa opisyal, ang PAG-IBIG Fund ay hindi lamang nakatuon sa pagpapahiram ng pera sa mga kasapi, kundi, tumutulong din itong makapag-impok ng pera ang mga miyembro.