Panghuhuli ng mga stray dogs sa Brgy. Ibabang Iyam, sinimulan na
Sinimulan na ng Pamahalaang Barangay ng Ibabang Iyam sa Lungsod ng Lucena ang ginagawang operasyon para sa mga stray dogs o mga asong gala at asong kalye sa buong lugar.
Ito ang inihayag ni Kapitana Gina Sares sa panayam ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio.
“’Yan po ay sinimulan na po natin ‘yung panghuhuli po natin ng mga alpas na aso na kung saan tayo po ay may ipinasang executive order ang Sangguniang Barangay sapagkat ito po ay hinaing din po ng ating mga kabarangay sapagkat napakarami po ng mga nakakaalpas na aso at ito po ay isang nagiging suliranin sa barangay po natin,” saad ni Sares.
Ayon kay Sares, layunin ng nasabing hakbang na mapanatiling ligtas ang publiko laban sa mga digrasya sa daan na kinasasangkutan ng mga aso, sa rabies at iba pa.
“Isa na rin po ‘yan sa ating nagiging problema at the same time po ay meron din tayong case na nakakakagat nagkakaroon tayo sa problema sa pagpapaturok so alam naman natin na napakamahal ng vaccine,” ani Sares.
Batay sa napagkasunduang panuntunan, ang mga may-ari ng mahuhuling mga pagala-galang aso sa nasabing barangay, sa unang paglabag ay pinapaalalahanan ang mga dog owner habang sa ikalawang paglabag ay papatawan ng multang P500.
Nitong Huwebes ng umaga, May 11 nasa 14 na stray dogs ang nahuli ng tauhan ng barangay kasama ang ilang miyembro ng sangguniang barangay.
“Kahapon po ay nakahuli tayo so ‘yung iba po naman ay kinuha dito sa atin ng mga may-ari kumbaga po ay 1st offense so atleast ay ma-aware po sila sa 2nd offense po ay may multa na po ‘yan so pagkatapos po niyan tayo po ay nakikipagcoordinate sa tanggapan po ng city vet at para po madala sa city pound po natin,” sabi ni Sares.
Paalala naman ng punong barangay sa mga dog owners na maging responsable upang mabawasan ang mga stray dogs sa lungsod.
Ang mga mahuhuling stray dogs ay dinadala sa dog impounding facility.