News

Panukalang ordinansa na mag-oobliga sa mga business establishments na magsagawa ng random drug test, lusot na sa SP Lucena

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang panukalang ordinansa na mag-oobliga sa lahat ng pampubliko at pribadong business establishments na magsagawa ng random drug test sa mga empleyado nito sa lungsod.

Ayon kay Konsehal Edwin Pureza, na siyang may akda ng naturang panukala, kinakailangang magsagawa ng random drug test ang mga establisimyento na may sampung empleyado habang ang mga establisimyento na siyam na tauhan pababa ay hinihikayat na magsagawa rin ng naturang drug test.

“Actually, nakapaloob sa ordinansang ito ay magsasagawa ng random testing hindi naman kinakailangang gawan lahat, so random testing, regular random testing sa lahat ng mga establishments with 10 employees or workers. Ang may-ari po ng company ang magshoshoulder ng mga random testing sa mga nasasakupan nilang establisimyento.”

Aniya, ang mga magpopositibo sa iligal na droga na mga emplyeado ng isang business establishments ay maaaring sumailalim sa programa ng City Anti-Drug Abuse Council o CADAC laban sa iligal na droga upang maiiwas ang mga Lucenahin sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at bigyan ng pag-asa ang mga nasasangkot dito na makapagbagong buhay at maging responsableng Lucenahin.

“If ever na magpositive ang ating mga workers at ito po ay mapapatunayan sa ating confirmatory test na isasagawa sa Manila tayo po’y gagawa ng mga Implementing Rules and Regulations and Programs para maisaayos. Hindi naman po ito nangangahulugan na matatanggal sila sa kanilang mga trabaho. Papasok po ang CADAC sila po’y makikipagtulungan sa may-ari para gawan po ng programa at mga preventive measures po hindi lumala at lumaganap ang pagkakaroon ng drugs sa iba’t ibang mga establisimyento.”

Iginiit naman ni Pureza na pangunahing layunin ng nasabing panukala ang maipakita na ang Lungsod ng Lucena ay drug free ang mga empleyado dito.

“Ang LGU po ng Lucena City ay nakikiisa sa ating DILG para magkameron po ng very safe at tsaka po very healthy environment po sa ating Lungsod ng Lucena.”

Pin It on Pinterest