Partisipasyon ng mamamayan, binigyang diin sa pagsisimula ng Fire Prevention Month
Wangwang ng bumbero ang nagsilbing hudyat sa pagsisimula ng Fire Prevention Month sa lungsod ng Lucena sa isinagawang kick-off parade sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa poblacion patungo sa Pacific Mall Ground, Marso 2.
Nakiisa sa aktibidad na may temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-Iisa” ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, barangay officials, uniformed personnel, non-government organization, at mga volunteer groups.
Binigyang diin ng BFP Lucena na dapat may partisipasyon ang mamamayan sa paglaban sa trahedyang dulot ng apoy o sunog.
Ayon kay City Fire Marshal FSUPT. Rodel Nota, nakasalalay umano sa mabilis na pagrereport ng mamamayan ang bilis ng kanilang pagresponde.
Pinaaalala niya na dapat unahin ang pagtawag sa bumbero bago ang pagkuha ng video.
Patuloy ang BFP, katuwang ang Lucena City Disaster Risk and Reduction Management Office sa pangunguna ni Janet V. Gendrano at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna naman ni City Director Vilma De Torres sa pagbaba sa mga barangay para sa Oplan Listong Pamayanan na nagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa publiko patungkol sa mga fire safety tips.
Sa ilalim ng programa, tinuturuan ang mga first responder ng barangay maging ang mga kasapi ng TODA, HOA, at iba pang mga sektor sa pamayanan ng standard first aid, basic life support, bandaging, proper handling and transfer of victim, tamang paggamit ng fire extinguisher, bucket relay, at iba pang kapamaraanan sa pag-apula ng sunog.