Pasko masayang ipinagdiwang ng marami sa piling ng kanilang pamilya
Simple pero masaya ang naging pagdiriwang ng Pasko ni Athea. Aniya, sa piling ng kanyang pamilya, sama-sama nilang ginunita at ipinagdiwang ang kapanganakan ni Hesu Kristo. Nagkaroon sila ng palitan ng regalo at kaunting salo-salo. Sabi niya ngayong Pasko, wala nang sasaya sa piling ng pamilya.
“Masaya naman po. Magkakasama naman kami buong pamilya, nag-exchange gift kami, nagkainan, nagkwentuhan buong pamilya po,” sabi ni Athea.
Ganito rin ang sabi ng iba pa, sa piling pamilya, sama-sama raw at masaya nilang sinelebra ang Pasko.
“Basta magkakasama at nagkakasundo, maligaya, masaya”.
Samantala, mas maraming Pilipino ang naging masaya ngayong Pasko, ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa nationwide survey na inilabas ng SWS, nasa 73% ng mga Pilipino ang masayang ipinagdiwang ang Pasko ngayong taon.
Mas mataas ito ng 8% noong nakaraang taon na umabot lamang sa 65%.
Nasa 7% naman ang nagsabi na sila ay malungkot ngayong Pasko at nasa 19% naman ang hindi sigurado kung sila ay masaya o hindi.
Isinagawa ang naturang survey mula December 10 hanggang 14 sa mahigit 1,200 Filipino adults sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao at may sampling error margin na positive negative 2.5%.