Paskotitap 2022: Parade of Lights sa Dolores Quezon, ibinida
Isang masaya at kumukutikutitap na punong-puno ng iba’t ibang makukulay na ilaw ang ibinida sa Bayan ng Dolores sa isinagawang ” Paskotitap 2022: Parade of Lights”.
Pinangunhanan ng Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Orlan Calayag katuwang ang Tanggapan ng Turismo at Sangguniang Bayan.
Ang mga makukulay na sasakyan at couture ay nagtipon-tipon sa Alcala Covered Court at nagsimulang umarangkada patungo sa bagong Munisipyo ng Bayan ng Dolores.
Ito ang kauna-unahang Parade of Lights (Barangay Vehicle) sa buong CALABARZON na isinagawa ngayong Kapaskuhan.
Ang nasabing parade ay kinabibilangan ng labing anim (16) na barangay at Tourism Stakeholders o BATA STAR.
Kasama rin sa paradang ito ang mga PNP, BFP, MDRRMO, OLSA DXB at mga KPOP Fans na nagpailaw ng kanilang FANDOM lightsticks.
Nagkaroon ng paligsahan ng pailaw na kasuotan na nilahukan naman ng karatig bayan at taga Dolores.
Layunin ng mga isinagawang aktibidad na mai-promote ang turismo sa nasabing bayan, maipakita ang angking husay ng bawat Doloresins at magbigay ng mga ngiti sa bawat isa sa pamamagitan ng mga pailaw na sumisimbulo sa liwanag at pag-asa sa kabila ng hirap at mga pagsubok sa buhay.
Taos- pusong pasasalamat naman ang ipinapaabot ng Lokal na Pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Orlan Calayag sa lahat ng naging kalahok at sumuporta sa Paskotitap 2022: Parade of Lights (Barangay Vehicle & Couture).