Patuloy na reclassification ng mga lupang agrikultural sa Quezon, ikinabahala ng ilang bokal
Nababahala ang ilang bokal ng Quezon sa kalagayan ng mga magsasaka sa patuloy ng reclassification ng mga agricultural lands sa lalawigan.
Sa sesyon ng Sanguniang Panlalawigan nitong lunes, pinuna ni Quezon 2nd District Board Member Ferdinand Talabong ang sunod-sunod na dumadaang panukala sa konseho kaugnay sa pagrereclassify ng mga lupain.
Ayon sa bokal, napag-usapan na sa mga nagdaang committee hearing ang hangga’t maaaring pag-iwas sa pagrereclassify upang maprotektahan ang mga magsasaka.
“Because I think last session also, tens of thousands square meters were also reclassify and you can check the record, tuwing nagse-session tayo dito, ekta-ektarya ang lupa na ating nirereclassify”.
Ang reclassification ay pagtukoy kung paano gagamitin ang mga lupaing pang-agrikultura para sa mga gamit na hindi pang-agrikultura tulad ng residential, industrial at commercial.
Ayon kay Talabong, taliwas din ito sa layunin ng lalawigan na maging matagumpay at produktibong agri-tourism province.
Isa naman sa pinatitiyak ng bokal ang pagbabayad sa buwis ng mga lupain na irereclassify.
“Dapat meron po tayong precaution kung saka-sakaling ‘yang mga ‘yan ay magko-convert for agricultural to industrial, residential or commercial they pay their respective taxes.”
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Talabong na suportado niya ang inihaing panukala ni 1st District Board member Claro Talaga, Chairman ng Committee on Land-use na pagreclassify ng ilang lupain sa Lucban at Macalelon mula sa pagiging agricultural patungong agro-tourism.
Nag-paabot din ng suporta si bokal Talaga at Angelo Eduarte sa hinaing ni talabong upang maprotektahan ang mga magsasaka.