PDAO, nakakuha ng 92.5% sa Functionality Assessment ng DILG Lucena
Nakakuha ng 92.5% sa Functionality Assessment ng Department of the Interior and Labor Government o DILG Lucena City ang Persons with Disability Affairs Office o PDAO.
Mas mataas ito kumpara sa mga nakaraang taon, nagsimula ang Lungsod ng Lucena sa rating na 75.5% noong 2019 na batay sa level of functionality ay klasipikado na mature.
Sumunod na taon ay naantala ang dapat sana’y regular na proseso ng assessment taon-taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero noong 2021 muling nagpatuloy ang regular na assessment at nagkamit ang Lucena ng overall rating na 83.5% sa functionality assessment ng DILG sa PDAO.
Nangangahulugan ito na pumasok na sa lebel ng ideal dahil sa bahagyang tumaas sa baseline ng pinakamababang 81%.
Sa taong 2022, nakamit ng PDAO Lucena ang overall rating na 92.5% sa functionality assessment ng DILG, siyam na porsyentong mas mataas sa sinundang taon.
Ayon kay DILG Director Danilo Nobleza, dahil ito sa napakataas ng compliance ng LGUs sa pagpapatupad ng mga programa ukol sa mga Persons with Disability o PWD.
“Napakataas ng compliance ng ating LGUs sa pagpapatupad ng mga programa ukol sa mga PWDs”
Mababakas ang sumusulong na pagsisikap ng PDAO para signipikanteng mapataas pa ang sariling functionality para sa kapaburan ng sector ng mga may kapansanan sa paggalaw sa lipunan.
Ayon naman kay Konsehal Manong Nick Pedro Jr. makikita dito ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa mga PWDs.
“Nababakas yung pagpapahalaga ng Local Government sa mga PWDs natin, maliit na sector pero pinahahalagahan”.
Dagdag pa ni Konsehal Manong Nick suportado ng City Government ang PDAO para mas mapataas at mapabuti ang kalagayan ng PWDs sa Lungsod ng Lucena.
“Natitiyak ko na ang City Government hindi naman magdadalawang isip para yang mga bagay bagay na yan ay mapataas pa natin ang rating, mapabuti ang kalagayan ng PDAO natin, ng ating mga PWDs at mapataas pa natin ang kanilang kalagayan”.